Friday, April 10, 2009
ama, bakit mo ako pinabayaan?
Tumigil na ang tren. Dumungaw ako sa bintana para makita ang pangalan ng train station. QUIRINO. Ito na nga. Bumukas ang pinto ng tren at sumama na ako sa ibang lumabas. Sinalubong ako ng malamig na hangin. Umuulan pala sa labas. Naku, wala akong dalang payong. Mababasa talaga ako sa ulan nito. Di bale, maliligo na lang ako pagdating ng bahay. Nang nabuo na ang aking loob na sumuong sa ulan, nagsimula na akong lumakad.
Habang binabaybay ko ang daan sa gilid ng kalsada, tinunton ang daan pauwi, mabilis kong tinitingnan ang daang aking tutunguhan, gusto kong malayo pa lang ay maagang makaiwas kung meron mang sagabal sa aking daan. Dahil umuulan, ako ay ganong nagmadali.
Napansin ko sa di na masyadong kalayo-an na may isang taong nakahiga sa daan. Bakit nakahiga sa daan? Bakit hindi umiwas sa ulan? Patay? Ito ang mga tanong na mabilis na tumakbo sa isip ko. Tiningnan ko ang paligid ng nakahiga. Walang tao. Sa gawing kaliwa niya ay tindahan ng tinapay, sa bandang kanan naman ay isang punongkahoy.
Nang dumating ako sa tapat niya, tumigil ako. Isang lalaki, mga lampas singkwenta na yata. Payat. Nakahiga na nakatagilid. Tinakpan ang kanyang mukha sa isa niyang braso. Kulubot na ang mga daliri sa kamay at paa sa lamig ng tubig ulan. Parang matagal na siyang nakahiga roon. Hindi gumagalaw. Isang taong lansangan na basang basa sa ulan.
Tiningnan ko kung may palatandaan ba na buhay pa ito. Wala akong nakita. Maya-maya nakita kong nanginginig ang kanyang kalamnan. Lumingon-lingon ako sa paligid at nakita ko ang isang tagawalis ng kalsada doon sa malapit. Nakadamit na PULIS OYSTER. Nilapitan ko at tinanong.
Sabi ng ale, kagabi pa raw iyon nandoon. Kumakatok sa tindahan ng tinapay nanghihingi ng pagkain. Nagugutom. Pagkatapos mabigyan ay humiga daw sa harap ng tindahan, gustong sumilong sa lilim nito. Ngunit pinaalis siya ng may-ari ng tindahan dahil daw baka wala nang lumapit sa kanyang tindahan para bumili. Kaya umusog na lang ang mama at humiga sa gitna ng daan sumilong sa lilim ng punongkahoy sa harap ng tindahan. Parang gusto niyang may masilongan. Buong magdamag ganyan, nakahigang wala man lang kumot o karton na mahigaan. At nang bumuhos ang ulan simula kaninang madaling-araw, ayan.
Hindi siya umiwas sa ulan, bakit kaya? Wala na kaya siyang lakas na tumayo? Meron kayang ibang dahilan? Tanong ko sa sarili. Sabi ko sa tagawalis ng kalsada, tumawag ka na ba ng pulis para mai-report ito sa kinauukulan? Hindi naman yan pinapansin ng pulis, sagot ng ale. Nakiki-alam lang ang mga pulis sa mga ganyan kapag nakita na nilang patay. DSWD ang may hawak sa mga ganyan, dagdag pa niya. Saan ba ang pinakamalapit na DSWD rito, pwede mo ba silang puntahan? Sabi ko sa kanya. Tagalinis lang po ako ng kalsada, hindi ko na po gawain yan. Nalungkot ako sa sinabi ng ale, ayaw niyang makialam. Gusto kong tulungan ang mama, ngunit napansin ko na ako ay katulad ng mama, basang basa na rin sa ulan. Kaya bigla ko siyang iniwan at tumakbo ako papauwi sa bahay dahil gusto ko nang maligo at makapagbihis para hindi magkasakit.
Iniwan ko ang mamang nag-iisa. Sa panahon na kailangan niya ng tulong, hinayaan ko siyang magdusa. Wala akong ginawa para matulungan siya. Sa panahong iyon, sarili ko lang na pangangailangan ang inintindi ko. Kung tutuusin, mas matindi pa ang pangangailangan niya kaysa pangangailangan ko ngunit hindi ko na inisip yon. Hinayaan ko siya doon na mababad sa ulan ang kanyang damit, pinabayaan ko siyang manginginig sa lamig, iniwan ko siya doon na wala man lang akong iniwan sa kanya na kahit konting init ng kalinga para sa kanyang malamig na mundo.
Tanda ko pa rin ngayon ang ala-ala ng pangyayaring iyon, hindi pa rin maalis sa aking isipan ang mama na iyon. Habang tahimik niyang tinitiis ang lamig, tahimik din niyang ginugulo ang aking pagwawalang-bahala sa kanya. Hanggang ngayon ay parang naririnig ko siyang nagsasabi sa akin na “Ama, bakit mo ako pinabayaan?”
Tama. Ako ay isang ama, ama ng simbahan. Ama ng paniniwalang may Diyos na tumitingin sa pangangailangan ng maralita. Ama na dapat ay nanguna sa gawaing pagmamahal sa mga isinantabi ng lipunan. May mga tao ding katulad kong taong simbahan na may pagkukulang sa mga taong lansangan at mga katulad nilang mga mahihirap.
Katulad ko, ikaw man ay nakakita rin ng taong lansangan. Ano nga ba ang mawawala sa atin kung atin silang lapitan at kausapin? Ano nga ba ang masama kung mahawakan natin sila at mapakinggan ang kwento ng kanilang buhay? Tayong may higit na kapangyarihan sa kanila, atin na lang ba silang ihiwalay sa ating mundo at ipagwalang bahala? Wala ba tayong magagawang pagbabago sa ating sarili at sa ating lipunan para matugunan ang pangangailangan ng mga katulad nila? Hanggang kailan kaya natin sila matitiis na ganyan ang kanilang pamumuhay, hanggang kailan kaya natin matitiis ang tahimik nilang pagnanangis, ang isinigaw ni Jesus sa Makapangyarihan, “Ama, bakit mo ako pinabayaan?”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment